Dalawang pulis tinambangan sa Malabon City

Patay sa pananambang ang isang pulis, habang maswerte namang nakaligtas ang kasama nito, matapos tambangan sa kahabaan ng Don Basilio Bautista Boulevard sa Barangay Dampalit, Malabon City.

Kinilala ang nasawing biktima na si SPO2 Rodolfo Cruz Jr. na nakatalaga sa Manila Police District. Habang ang kanya namang kasama ay si retired SPO1 Elmer Barola.

Ayon sa hepe ng Malabon City Police na si Police Senior Superintendent Harry Estela, paalis na ang dalawang biktima sa parking lot ng isang sabungan nang lapitan ng isang hindi pa nakikilalang gunman.

Sinasabing nakasuot ng bullcap at itim na sando ang salarin na malapitang pinagbabaril si Cruz.

Matapos ang insidente ay kaagad itong tumakas gamit ang isang motorsiklo.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya tungkol sa insidente. Partikular na inaalam ng mga otoridad ang motibos sa pamamaslang.

Samantala, tinitingnan na ng pulisya ang mga CCTV sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.

Read more...