Alok na reward money vs 4 na dating mambabatas, balak doblehin

Target ng Citizen’s Crime Watch o CCW na doblehin ng P1 milyong reward money para sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan nina National Anti-Poverty Commission lead convenor Liza Maza, dating Congressmen Satur Ocampo, Teddy Casino at Rafael Mariano na ngayon ay mayroong warrant of arrest dahil sa kasong pagpatay sa dalawang aktibista sa Nueva Ecija may ilang taon na ang nakararaan.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio ng CCW na sa halip na P1 milyon, gagawin na niyang P2 milyon ang reward money. Sa ngayon ay naghahanap pa sila ng mga donor para sa dagdag-pabuya.

Paliwanag ni Topacio, kaya gagawing P2 milyon ang pabuya bilang tugon sa akusasyon ni Bayan Muna Secretary General Renato Reyes na cheap publicity ang reward money laban sa apat.

Hinihimok ni Topacio ang publiko na dumulog sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) o sa pulis kapag may nalalaman sa kinaroroonan ng apat.

May proseso aniya ang CIDG kung saan binibigyan ng code name ang mga informant at kung sino ang bibigyan ng reward money.

Pumalag din si Topacio sa pahayag ni Ocampo na inilagay lamang ng CCW ang buhay ng apat na wanted person dahil sa reward money.

Ayon kay Topacio, sila ang naglagay sa alanganin sa buhay nila dahil sa pagtatago ng batas at naging pugante.

Natural lamang aniya na tugisin sila ng batas at huwag nang tugisin ang mamayan na nag ambag ng reward money at sumusunod lamang sa rule of law.

Kung sumuko na aniya ang apat sa batas, hindi na sila na nalagay sa panganib at nasa maayos na sanang kustidya ng batas.

Read more...