Halos 400 kilo ng double-dead na karne ang nasamsam ng otoridad sa bahagi ng Recto Avenue sa Divisoria, Manila Linggo ng madaling-araw.
Ayon kay Dr. Nick Santos, hepe ng Special Enforcement Squad ng Manila Veterinary Inspection Board, naiwan ng mga vendor na nagtangkang ibenta ang mga karne nang matunugan ang operasyon ng otoridad.
Nakita ang mga karne sa ilang woven bags na pinaniniwalaang nagmula sa Bulacan.
Ayon naman kay Manila Veterinary Inspection Board officer-in-charge Alberto Burdeos, natiyak ng mga otoridad na double-dead ang mga karne dahil sa maputlang kulay at ibang amoy nito.
Aniya pa, maliliit ang mga baboy base sa nakitang liit ng ribs nito.
Nakatakda namang ibaon ang mga karne ng otoridad dahil hindi ligtas para sa tao at maging sa hayop.