Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang utos ng Office of the President ay “immediately executory.”
Nais aniya ng Palasyo na tutuparin ni Martires ang naturang dismissal order sa oras na magsimula na siya sa trabaho bilang bagong Tanod-Bayan.
Ang pagsibak ng Malakanyang kay Carandang ay bunsod ng pagsasapubliko nito ng umano’y kwestyonableng yaman ni Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang pamilya.
Iginiit naman ni Roque na tsismis lamang ang alegasyon na itinaon ang paglalabas ng utos laban kay Carandang sa pagreretiro ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Si Morales ay tuluyan nang umalis sa Ombudsman noong July 26, 2018, at nailabas ang dismissal order kontra kay Carandang noong July 30, 2018.
Ani Roque, ang desisyon ay batay sa katotohanan at batas, at malinaw umano na nilabag ni Carandang ang Anti-Money Laundering Act nang maglabas siya ng mga dokumentong hindi raw wasto ayon sa Anti-Money Laundering Council.
Matatandaang na tumanggi noon si Morales na ipatupad ang 90-day suspension na ipinataw ng Office of the President laban kay Carandang, sa katwirang hindi saklaw ng Palasyo ang Office of the Ombudsman.