Dating child actor na si CJ Ramos arestado sa aktong pagbili ng ilegal na droga

Kuha ni Jan Escosio

Ipinrisinta sa media ni National Capital Region Police Office Chief, Dir. Gen. Guillermo Eleazar ang dating child actor na si CJ Ramos na nahuli ng mga tauhan ng Caloocan City police sa aktong bumibili ng ilegal na droga.

Ayon kay Eleazar noong July 31 nagkasa ng buy-bust operation ang Caloocan City police sa Tandang Sora Quezon City target ang isang drug pusher.

Pero nagkataon na habang bumibili ang pulis na nagpanggap na buyer ay bumili din ng isang sachet ng shabu ang 31-anyos na si CJ Ramos.

Agad dinakip ng mga otoridad ang aktor at kasama niyang babae.

Nakumpiska sa aktor ang P500 halaga ng shabu.

Hindi naman na itinanggi ni Ramos ang kaniyang ilegal na gawin.

Ani Ramos, dahil matagal na siyang walang project sa showbiz sa magulang niya siya humihingi ng pera pambili ng droga pero hindi niya sinasabing para ito sa bisyo.

Mangiyak-ngiyak namang sinabi ni CJ na nabiktima lang siya hanggang sa hindi na niya maiwan ang bisyo.

Si CJ Ramos ay nakilala sa mga pelikulang Tanging Yaman noong 2000 at Ang TV Movie: The Adarna Adventure noong 1996.

Read more...