Naghain ng reklamong plunder sa Department of Justice ang San Miguel Enrgy Corp. (SMEC) laban sa Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM) at sa dalawa pang pribadong energy company dahil sa umano’y maanomalyang pagpasok nito sa isang kasunduan noong 2009.
Sa 20-pahinang complaint-affidavit na inihain ni SMEC general manager Elenita Go, kanyang kinakasuhan ng pandarambong sina PSALM president and chief executive officer Lourdes Alzona; Suguru Tsuzaki, president ng Team Philippines Energy Corp (TPEC); Kochi Tamura, executive vice president of Team Sual Corp (TSC) at ilan pang John at Jane Does .
Batay sa reklamo, nawalan ng P14 na bilyon ang gobyerno dahil sa iligal na grant ng tinatawag na ‘excess capacity’ ng Sual Power Station sa TPEC kaya’t nagawa nitong makatanggap ng P17.3 bilyong piso.
Paliwanag ni Go, taong 2009, pumasok ang PSALM sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa TPEC at TSC na nagsilbing independent power producer ng Sual power station sa Pangasinan.
Sa naturang MOA, pinapahintulultan ang TSC ng contracted capacity ng 500 megawatts at kung may sobra pa ng 100 megawatts o higit pa, tatagurian itong ‘nominal capacity.’
Sa ilalim pa rin ng kasunduan, ang TSC,sa pamamagitan ng TPEC ay pahihintulutang ibenta ang nominal excess capacity na 100 megawatt per unit sa kanilang customer.
Gayunman, paliwanag ni Go, mas binigyang prayoridad sa naturang kasunduan ang 100 megawatt ng TPEC at huli na lamang na ibinibigay ang 500 megawatt na nakalaan sa San Miguel Energy Corporation.
Giit sa pasa reklamo ng SMEC, matagal na nilang kinukuwestyon ang legalidad ng MOA ngunit hindi sila binibigyan ng tugon ng PSALM.