“Cremation only” rule sa isang probinsya sa China, pinagmulan ng protesta

Twitter Photo | @tangyongtao74

Nagpoprotesta ngayon ang mga mamamayan sa isang probinsya sa China matapos magpatupad ng cremation only rule ang pamahalaan doon.

Simula sa September 1, ipatutupad na ng local government sa Jiangxi ang cremation only rule sa paglilibing ng mga nasasawi.

Ayon sa mga lokal na opisyal ito ay para makatipid sa espasyo sa lupain ng lalawigan na mayroong 45 million na mga residente.

Bago pa ang pormal na pagpapatupad, sinimulan nang wasakin ang mga ataul sa lugar na yari sa kahoy.

Ang iba ay pinadadaanan sa payloader at ang iba ays sinusunog para matiyak na hindi na magagamit.

Mismong ang mga tauhan ng local government officials ang nag-iikot sa buong probinsya para kumpiskahin ang mga makikita nilang ataul sa mga bahay.

Ayon sa ulat ng South China Morning Post, tradisyon na sa nasabing lugar na habang maaga ay pinag-iipunan na ng mga pami-pamilya ang pagbili ng ataul.

Karaniwang tinatarget ng mga naninirahan doon na pagtuntong nila ng edad 60 ay nakabili na sila ng ataul at itatago na nila ito sa kanilang bahay.

Labis pang ikinagalit ng mga residente ang mga ulat na ang mga dati nang nakalibing ay ipahuhukay ng gobyerno para ipa-cremate.

Read more...