Police visibility sa mga bus terminal sa QC mas pinaigting

Nakakalat na ang mas maraming pulis-Quezon City sa ilang pangunahing terminal ng bus sa lungsod.

Ito’y matapos itaas sa heightened alert status ang buong Kalakhang Maynila kasunod ng naganap na pagsabog sa Lamitan, Basilan na ikinamatay ng hindi bababa sa sampung katao.

Sa pag-iikot ng Radyo Inquirer, nakita namin ang mga nakadeploy na tauhan ng Quezon City Police District o QCPD sa Araneta Bus Terminal sa Cubao, maging sa hilera bus terminals sa Cubao pa rin.

May mga pulis na nagchecheck ng mga bagahe ng mga pasahero, at mayroon ding nag-iinspeksyon ng loob mismo ng mga bibiyaheng bus.

Nagtayo na rin ng police assistance desks sa bawat bus terminal, kung saan maaaring magsumbong ang mga pasahero sakaling may makita silang kahina-hinalang tao, kilos o bagay.

Ayon sa QCPD, layon ng hakbang na matiyak na ligtas ang mga pasahero at ang publiko sa anumang posibleng banta ng terorismo o karahasan.

Inaasahan naman na magpapakalat pa ng dagdag-pulis QC sa iba pang matataong lugar.

Read more...