Hindi nakailangang ipa-extradite ang star witness sa P10 bilyong pork barrel fund scam na si Benhur Luy.
Sinabi ito ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra kasunod ng pag-amin ni Luy na nagpadala siya ng pera sa Estados Unidos gamit ang pondo mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Ayon kay Guevarra, kung witness lang naman si Luy at handa itong magbigay ng testimonya sa kaso sa Estados Unidos, puwede naman itong gawin sa pamamagitan ng deposition sa Pilipinas kaharap ang mga abogado ng tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.
Gayunman, kailangan pa aniya niyang alamin kung nasa witness protection program si Luy at kung puwede itong magbigay ng testimonya sa US.
Kung talagang hihilingin aniya ng United States Department of Justice na magbigay si Luy ng testimonya sa kasong money laundering ni Napoles ay maaari silang maglatag ng security para sa paglabas nito ng bansa.