Umabot na sa 1,828 ang bilang ng pulis scalawags na sinibak sa serbisyo sa loob ng dalawang taon ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesman Senior Supt. Benigno Durana nananatili ang ‘commitment’ ng ahensya sa organizational discipline at internal reforms dahil ito anya ay sentro ng service agenda ni PNP Chief Oscar Albayalde.
Ayon kay Durana, sa ngayon ay 6,401 na PNP personnel ang nahaharap sa mga parusang administratibo dahil sa iba’t ibang mga paglabag mula sa pagkakasangkot sa mga krimen, grave misconduct, serious neglect of duty, malversation, dishonesty, korapsyon at iba pa.
Samantala, 498 na pulis naman ang inimbestigahan sa kasong may kinalaman sa droga kabilang ang 266 na nagpositibo sa paggamit nito at 232 ang may kinalaman sa kalakaran ng droga.
Umabot na sa 261 na uniformed at non-uniformed personnel na nagpositibo sa droga ang natanggal na sa serbisyo; 23 ang suspendido; at siyam na ang demoted dahil sa pagkakasangkot sa illegal drug activities.
Matatandaang nagpahayag si Albayalde na magiging matapang ag crackdown laban sa mga pulis scalawags na nahuli dahil sa pangingikil at kidnap for ransom.
Nito lamang Martes ay nahuli ang ilang Taguig Police kung saan is aang namatay dahil sa kidnap for ransom habang arestado rin ang tatlong pulis-Valenzuela dahil sa pangongotong.