Naipanalo ni People’s Champ at Sen. Manny Pacquiao sa Court of Tax Appeals ang kasong isinampa laban sa kanya ng Bureau of Internal Revenue kaugnay sa umano’y P3.3 Billion na underpaid tax ng pambansang kamao.
Ipinag-utos ng 1st Division ng tax court sa BIR na itigil ang paniningil kay Pacquiao at sa kanyang misis na si Jinkee ng multi-billion tax deficiency para sa taong 2008 hanggang 2009 habang dinidinig pa ang kasong civil na isinampa laban sa kanila.
Sa resolusyon na inlabas noong July 27, sinabi ng 1st Division ng CTa na dapat itigil na ng BIR sa ilalim ng Final Decision on Disputed Assessment (FDDA) ang paniningil kina Pacquiao dahil sa kakulangan ng merito ng reklamong isinampa ng BIR.
Iniutos rin ng CTA ang kanselasyon ng warrants of distraint para sa naunang sinabi ng BIR na tax liability ni Pacquiao na P2.2 Billion.
Ang nasabing halaga ay umabot pa sa P3.3 Billion dahil sa mga ipinataw na penalties at surcharges ng BIR.
Nauna dito ay iniakyat ng grupo ni Pacquiao sa Supreme Court ang kaso makaraang ibasura ng CTA ang kanilang alok na ibaba ang hinihingi ng hukuman na P4.9 Billion na surety bond kaugnay sa freeze order na inilagay para sa kanilang mga ari-arian.
Sa April 6, 2016 decision ng Supreme Court ay inutusan ng Supreme Court ang CTA na magsagawa ng preliminary investigation para alamin kung may katwiran ba na ibaba ang surety bond na ipinataw sa mag-asawang Pacquiao.
Sa ginawang pagdinig ay napatunayan ng CTA na nagkaroon ng pagkakamali at iregularidad sa panig ng BIR nang kanilang ideklara ang malaking tax deficiencies nina Manny at Jinkee.