Isinasailalim na sa tactical interrogation ng Philippine National Police ang nahuling suspek na iniuugnay sa naganap na pambobomba sa Lamitan, Basilan noong Martes.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, sinabi ng PNP sa kanilang pahayag na si Indalin Jainul alias Abdulgani ay nahuli sa isinagawang follow-up operations ng mga tauhan ng PNP at militar.
Hindi pa inilalabas ng PNP ang buong detalye sa nasabing operasyon dahil sa nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon hanggang sa kasalukuyan.
Si Jainul ay sinasabing kabilang sa mga nakitang kasama ng bandidong Abu Sayyaf sa ilang mga sighthings sa ilang lugar sa Basilan.
May nakuhang granada ang mga otoridad ng kanilang arestuhin ang naturang suspek.
Nauna nang inako ng ISIS ang nasabing pagpapasabog na umano’y kagagawan ng isang suicide bomber.
Sampu katao ang patay sa nasabing pag-atake na kinabibilangan ng isang sundalo, limang CAFGU members at apat na sibilyan kabilang ang isang mag-ina samantalang pitong iba pa ang malubhang sugatan.