Suportado na ng mga Katolikong Obispo ang nauna nang panawagan ni Pope Francis na maging mas maunawain at maawain ang Simbahan sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Ito ang nilalaman ng pinal na dokumento na nabuo sa tatlong linggong ‘synod’ o pagpupulong ng mga lider ng Catholic Church na layong magbiay ng mas maayos na pastoral care sa mga pamilyang Katoliko.
Una nang naging matindi ang kontrahan sa panig ng mga konserbatibo at liberal sa loob ng Simbahan sa kung ano ang tanggap o hindi katanggap-tanggap na mga gawain ng isang Katoliko.
Ngunit sa pamamagitan ng pinal na dokumentong napagkaisahan, magiging mas maluwag na ang Simbahan sa pagtanggap ng mga ‘gay couple’ at mga Katolikong nag-divorce na at ang nagsipag-asawa nang muli.
Bahagi ng nabuo sa ‘synod’ ang positibong pag-engganyo sa mga nagsasama nang hindi kasal na magpakasal sa Simbahan nang walang kasamang panghuhusga.
Sa usapin ng mga ‘gay couple’ hindi pa rin sang-ayon ang Simbahan dito, ngunit hindi rin sila dapat kondenahin o itakwil.
Sa pag-endorso ng mga nakararami sa may 275 na ‘synod fathers’ sa naturang dokumento, magkakaroon na ng dagdag na suporta si Pope Francis na isulong ang isyu sakaling gustuhin nito sa hinaharap.
Sa kanyang pangwakas na talumpati sa pagtatapos ng ‘synod’ sa Vatican, pinuna rin ni Pope Francis ang mga konserbatibo sa patuloy na pagmamatigas at panghuhusga sa mga Katolikong hindi nakasusunod sa doktrina ng Simbahan.