Inamin ni variety show host at komedyanteng si Vice Ganda na hindi kayang talunin ng kinabibilangan niyang programa na “It’s Showtime” ang “Eat Bulaga”.
Ginawa ni Vice Ganda ang pag-amin sa kasagsagan ng pagiging record-breaking sa social media ng Kalyeserye episode na “Tamang Panahon” ng Eat Bulaga, na tila gumawa rin ng record sa kasaysayan ng noontime variety shows nang mapuno nito ang 55,000-seat na Philippine Arena.
Sinabi ni Vice Ganda na malaki ang pasasalamat niya na umabot ng anim na taon ang “It’s Showtime”, at inalala na nag-umpisa lamang ito bilang morning show bago mag-desisyon ang pamunuan ng ABS-CBN na iurong ito sa noontime slot katapat ng Eat Bulaga.
Aniya, iginiit nilang mga host sa kanilang mga boss na hindi nila kayang tapatan ang Eat Bulaga na programa sa kabilang istasyon.
Ngunit sinabi sa kanila ng kanilang mga boss na ang pag-urong sa timeslot ng “It’s Showtime” ay hindi naglalayong tapatan o kalabanin ang Eat Bulaga, bagkus ay layon nitong makisabay sa pagpapasaya ng mga tao.
Nanawagan din si Vice Gansa sa mga fans ng parehong programa na huwag mag-away lalo na sa social media tulad ng Facebook, Twitter at Instagram dahil aniya, sa tunay na buhay ay magkakaibigan ang mga hosts ng magkabilang programa.
Katunayan aniya ay iniidolo nila ang mga hosts ng Eat Bulaga.
36 taon nang laman ng telebisyong Pilipino ang Eat Bulaga ng GMA-7.