Madugong dispersal sa mga empelado ng NutriAsia iimbestigahan ng CHR

Anakbayan twitter post

Mariing kinondena ng Commission on Human Rights o CHR ang madugong kinahantungan ng dispersal ng mga pulis sa mga nagpo-protestang manggagawa ng NutriAsia sa Marilao, Bulacan noong Lunes.

Ayon kay CHR Spokersperson Atty. Jacqueline Ann C. De Guia, nakakabahala ang insidente kung saan marami ang nasugatang empleyado ng NutriAsia at kanilang taga-suporta, kabilang na ang ilang matatanda at mga kabataan habang mayroon ding mga mamamahayag na nadamay.

Sinabi ni De Guia na nakakalungkot na nangyari ito sa gitna ng proseso ng mediation ng Department of Labor and Employment o DOLE kasama ang stakeholders at union organizer.

Ani De Guia, sa pamamagitan ng kanilang opisina sa Region III ay pinakilos nila ang isang Quick Response Team upang alamin ang katotohanan sa insidente.

Pinapaalalahanan din aniya ng komisyon ang mga pulis at mga gwardiya ng NutriAsia na magpa-iral ng maximum tolerance bilang pagkilala sa karapatan ng mga obrerong nagpo-protesta, at kailangan ding manaig ang “rule of law” kahit sa panahon ng gulo o tensyon.

Giit pa ni De Guia, tinututulan ng CHR ang paggamit ng mga otoridad ng “excessive force” sa pagtitiyak ng peace and order.

Kasabay nito, sinabi ng opisyal na nakiki-usap din ang CHR sa mga nagpo-protesta na huwag gumawa ng karahasan at ilegal na aktibidad sa paggiit ng kanilang karapatan.

Tiniyak naman ni De Guia na ang CHR ay mananatiling mapagmatyag laban sa anumang uri ng pang-aabuso sa karapatang-pantao.

Read more...