Alvarez alam na mapapatalsik bago pa ang SONA ayon sa Malacañan

Batid ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na mayroong plano ang ilang mga mambabatas na patalsikin siya sa pwesto bago pa man ang mismong araw ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mayroon umanong nagpaalam kay Alvarez tungkol sa nasabing plano, kaya naman napaghandaan niya ito.

Paliwanag ni Roque, makikita sa mga naging aksyon ni Alvarez katulad ng madaliang pagbubukas at pagsasara ng unang sesyon ng 17th Congress at pagsasara ng mikropono na ginawa ito ng mambabatas upang mapanatili ang kanyang panunungkulan bilang pinuno ng Mababang Kapulungan.

Aniya pa, posibleng kasabay ng pagre-rehearse ni Pangulong Duterte para sa kanyang SONA ay alam na ni Alvarez ang planong pagpapatalsik sa kanya.

Ngunit nilinaw naman ni Roque na hindi nanggaling sa loob ng Palasyo ng Malacañan ang impormasyon tungkol sa pinlanong kudeta sa Kamara.

Ayon pa sa opisyal, sa tingin niya ay hindi alam ng pangulo ang tungkol sa pagpapatalsik kay Alvarez dahil dumating ito nang sakto sa oras at walang inaasahang pagkakabalam sa kanyang SONA.

Read more...