307 kulungan idineklarang drug-free ng PDEA

Mula sa dating 68 at umakyat na sa 307 ang bilang ng mga kulungan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na sinertipikahang drug free ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon kay BJMP Spokesperson Senior Inspector Xavier Solda, nangangahulugan ito na 74.51% ng mga kulungan na pinamumunuan ng kanilang hanay ang nakasunod sa requirements ng PDEA at Philippine National Police (PNP).

Kabilang dito ang pagkakaroon ng jail-based intervention program para sa kampanya kontra iligal na droga, pagkakaroon ng random drug testing sa mga preso at kawani ng piitan, at ang kawalan ng anumang iligal na droga at mga paraphernalia sa loob ng pasilidad.

Ang mga kulungan ng BJMP sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Davao, at Cordillera Administrative Region (CAR) ay idineklarang 100% drug free.

Habang aabot naman sa 80% ang compliant rate ng mga piitan sa mga rehiyon ng CALABARZON, Northern Mindanao, at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Noong Nobyembre ng nakaraang taon ay nilagdaan ng PDEA at BJMP ang isang memorandum of agreement (MOA) tungkol sa pagkakaron ng regular na drug-clearing operations sa loob ng mga kulungan sa bansa.

Kasabay nito ay nangako ang mga lokal na pamahalaan na makikipag-cooperate sa kampanya ng pamahalaan kontra sa iligal na droga sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga ordinansa at pagpapataw ng parusa sa mga magtatangkang magpasok ng kontrabando sa loob ng piitan.

Read more...