Lalaki arestado sa pagbebenta ng mga exotic na hayop sa Tondo

Arestado ang isang lalaki matapos mahulihan ng mga “exotic” na hayop sa Tondo, Maynila.

Ikinasa ng mga tauhan ng ng Manila Police District (MPD) Station 7 at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang entrapment operation laban sa suspek matapos matuklasan ang pagbebenta nito ng mga exotic na hayop.

Nakumpiska mula sa kaniya ang isang pit viper na nabatid na kaniyang ibinebenta sa halagang P2,500 at Asian Leopard Cat na ibinebenta naman sa halagang P25,000.

Sa pamamagitan ng social media natukoy ang ilegal na gawain ng suspek na napag-alaman na sa Negros pa kinukuha ang mga ibinebentang hayop.

Sa ilalim ng Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, mahigipit na ipinagbabawal ang pagmamay-ari ng kahalintulad na mga hayop kung walang kakayahang pinansiyal at gamit ang mag-aalaga nito.

Ayon naman sa suspek, kolektor lang siya ng mga exotic na hayop na napilitang magbenta matapos magipit.

Dadalhin sa DENR ang mga nakumpiskang hayop, habang mahaharap ang suspek sa hanggang 6 na buwan na pagkakakulong at multa ng hanggang P100,000.

Read more...