Binawian ng San Miguel Beermen ang Barangay Ginerbra Gin Kings sa kanilang Game 2 para sa 2018 PBA Commissioner’s Cup Finals na ginanap kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nagtapos ang laro sa iskor na 134-109, pabor sa Beermen.
Dahil dito, 1-1 na ang win-loss record ng dalawang koponan at tabla ngayon ang laban.
Si Alex Cabagnot ang nanguna para sa Beermen matapos nitong makapagtala ng career-high na 33 points.
Ayon kay San Miguel head coach Leo Austria, lubha silang napahiya sa kanilang pagkatalo sa Game 1. Ngunit dahil aniya sa pagsisigasig ng kanyang koponan ay nakabawi sila.
Samantala, kapwa naman nabangko sina Arwind Santos at Chris Ross anim na minuto bago matapos ang laban dahil sa foul.
Ani Austria, bagaman hindi niya masisisi ang ginawa ng dalawa ay aminado itong kailangang mag-ingat sila sa susunod na laro.
Para sa Gin Kings, si Justin Brownlee ang nanguna sa pamamagitan ng 29 na puntos.
Sa Miyerkules ng gabi magaganap ang Game 3 ng best-of-seven finals ng Commissioner’s Cup.