Hindi ‘prisoner of conscience’ si Sen. Leila De Lima.
Ito ang iginiit ng Palasyo ng Malacañang matapos matanggap ng senadora ang Prize for Freedom Award ng Liberal International (LI).
Noong Nobyembre ay inanunsyo ng LI na igagawad ang naturang parangal kay De Lima na kanilang isinalarawan bilang isang ‘political prisoner’.
Ang isang ‘prisoner of conscience’ ay yaong mga ikinulong ng gobyerno dahil sa ideolohiyang pulitikal at mariing itinanggi ng Malacañang na ganito si De Lima.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mayroon nang kaso laban kay De Lima sa Korte at iiral anya ang ligal na proseso para rito bilang paggalang sa karapatan ng senadora sa ‘due process’.
Giit pa ni Roque, hindi maililihis ng naturang award ang publiko sa tunay na isyu na kinahaharap ni De Lima.
Minaliit pa ng Malacañang ang parangal dahil ang Liberal Party na kinabibilangan ng senadora ay may kaugnayan umano sa LI.
Ang anak ni De Lima na si Israel ang tumanggap ng naturang parangal noong Sabado dahil kasalukuyan itong nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame bunsod ng kasong may kaugnayan sa droga.