Naibalik na sa loob ng Bacoor Custodial Center ang 14 sa 23 na mga puganteng nakatakas sa nasabing kulungan noong Biyernes.
Matatandaang naganap ang jailbreak nang ibabalik na sa loob ng piitan ang isang Angel Eusebio ay nagtulong-tulong ang mga preso upang ma-overpower ang mga otoridad.
Sinubukan pa silang pigilan ng mga naka-duty na jail guard, ngunit tatlo lamang ang kanilang nahuli.
Dahil sa insidente ay kaagad ipinagutos ni Bacoor City Police officer-in-charge Police Superintendent Vicente Cabatingan ang pagsasagawa ng manhunt operation para sa ikadarakip ng mga inmate.
Limang mga preso ang sumunod na naaresto, habang anim naman ang boluntaryong sumuko sa pulisya.
Sa ngayon ay patuloy pang pinaghahanap ng mga otoridad ang siyam na iba pang pugante.
Samantala, dahil sa insidente ay sinibak na sa pwesto ang dalawang jail guard at kanilang supervisor.