Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Deputy Speaker Rolando Andaya sa ilalim ng pamumuno ni bagong Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, wala nang pag-asang makalusot sa Kamara ang no election scenario na pinalutang ni Alvarez pati na ang same-sex marriage, divorce at death penalty.
May bago aniyang dikretiba si Arroyo na ituloy ang eleksyon sa 2019. Sapat na rin aniya ang mga panukalang batas na nagbibigay ng proteksyon at pagkilala sa LGBT community kung kaya hindi na kailangan na isulong pa ang same-sex marriage.
Ayon kay Andaya, kilalang pro-life si Arroyo at mananaig ang kaniyang paniniwala sa Kamara.
Ibinida pa ni Andaya na makahahanap ng kampeon sa Kamara ang Simbahang Katolika sa katauhan ni Arroyo.
Ang tanging maisasabatas lang aniya ngayon ng Kamara ay ang panukalang package 2 ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na naglalayong ibaba ang corporate income tax at ang 2019 national budget na aabot sa mahigit P3.7 trillion.