Nagbabala si Interior Officer-in-Charge Sec. Eduardo Año laban sa mga alkalde na tinawag niyang ‘tamad’ dahil sa pagiging huli sa pagsususpinde ng klase sa kabila ng maagang advisory ng PAGASA
Ito ay matapos makatanggap ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng sandamakmak na reklamo tungkol sa huling pagsususpinde ng klase ng manalasa ang Bagyong Henry nitong buwan.
Ayon kay Año ang mga opisyal na tamad gumising para magsuspinde ng klase sa kabila ng abiso ng weather bureau ay maaaring maharap sa ‘gross neglect of duty’.
“Erring officials who are too lazy to wake up to suspend classes even though PAGASA has declared its warning signals may be charged with gross neglect of duty,” ani Año.
Iginiit ng kalihim na dapat ay laging alerto at nakabantay ang mga alkalde sa sitwasyon ng kanilang mga lugar sa panahon ng bagyo at kalamidad.
Dagdag pa niya, mapanganib sa mga estudyante at mga manggagawa ang paglusong sa baha makauwi lamang ng bahay dahil sa huling pagsususpinde ng klase.
Hindi na anya dapat pang hintaying umabot sa kritikal ang lebel ng tubig baha bago magsuspinde ng klase ang mga lokal na opisyal.