Hindi palalampasin ng liderato ng ruling party Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ang ginawang pagtatayo ng paksyon ng ilang mga miyembro ng nasabing grupo.
Sinabi ni PDP-Laban President Koko Pimentel na kakasuhan nila sa mga nasa likod ng isinagawang iligal na national assembly ng kanilang partido kahapon sa Quezon City.
Nagkaroon kahapon ng eleksyon ng mga bagong opisyal ng PDP-Laban sa nasabing pagtitipon.
Sa ginanap na national assembly ay nahirang si Rogelio Garcia bilang bagong pangulo na sinasabing papalit kay Pimentel samantalang si Makati City Councilor Willy Tayag naman ang nahalal na bagong secretary general na papalit naman kay Cong. Pantaleon Alvarez.
Nilinaw ni Pimentel na hindi otorisado ang nasabing national assembly at hindi nagmula sa kanila ang advisory na nagpapatawag sa nasabing pulong.
Nanghihinayang rin ang opisyal sa perang ginamit sa national assembly dahil mas mabuting ginamit na lamang ito bilang tulong sa mga nangangailangan.
Sa kabilang banda ay natuwa rin si Pimentel sa pangyayari dahil nagmistulang mga komedyante umano ang mga nasa likod ng tangkang pang-aagaw ng liderato ng kanilang partido pulitikal.