Sugatan ang lima katao makaraan ang naganap na bakbakan sa pagitan ng mga tauhan ng 23rd Infantry Battalion ng Philippine Army ang mga miyembro ng New People’s Army sa Agusan Del Norte.
Sa report na natanggap ng Kampo Aguinaldo, sinasabing tinutugis ng mga tauhan ng Philippine Army ang mga NPA members na pinaniniwalaang nasa likod ng pamamaslang kina Loreto Mayor Dario Otaza at sa kanyang anak na si Daryl.
Nasukol ang mga armadong kalalakihan sa Sitio Afga Lower Olave sa bayan ng Buenavista Agusan Del Norte.
Dito na nagsimula ang halos ay isang oras na bakbakan kung saan ay nagawang makatakas ng mga NPA members dala ang apat na sugatan sa kanilang hanay.
Isang sundalo ang naireport na sugatan pero tumanggi ang mga otoridad na ibigay ang pangalan ng nasabing Philippine Army member.
Nauna dito ay sinasabing may mga testigo ang lumutang at itinuro si Rene Catarata na kabilang sa mga dumukot kina Mayor Otaza sa Butuan City bago sila nakitang patay na kinabukasan.
Si Catarata ang tumatayong kalihim ng NPA Guerilla Front 34 na na bahagi ng North Eastern Mindanao Regional Command ng CPP-NPA.
Hindi pa makumpirma ng mga otoridad kung kasama si Catarata sa mga sugatan sa naganap na bakbakan.