Hinatulang guilty ng korte ang negosyanteng si Cedric Lee at ang modelong si Deniece Cornejo sa kasong grave coercion kaugnay ng pagbubog sa aktor na si Vhong Navarro noong 2014.
Masaya si Navarro sa desisyon ng Taguig City Metropolitan Trial Court na guilty ang hatol kina Lee at Cornejo at kapwa akusado na si Jed Fernandez.
Nasa Los Angeles, California ang aktor nang malaman ang desisyon ng korte.
Bumalik sa alaala ni Navarro ang ginawa sa kanya ng grupo ni Lee gaya ng pwersahan siyang pinapirma sa isang bagay na tutol siya.
Naalala rin nito kung paano umano siya tinakot, sinaktan, tinutukan ng baril at pinagbantaan ang kanyang buhay.
Matatandaan na binugbog at ikinulong si Navarro ng kampo ni Lee dahil tinangka umano nitong gahasain si Cornejo sa condominium unit nito.
Una nang ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang kasong rape na isinampa ni Cornejo laban kay Navarro.
May nakabinbin pang 2 kaso si Navarro laban kay Lee, ang serious illegal detention at perjury. (Len Montaño)