Ligtas nang nakauwi sa kani-kanilang mga tahanan ang labingdalawang mga mangingisdang Pinoy na nahuli sa Manado Island sa Indonesia noong nakalipas na buwan ng Mayo.
Ayon sa salaysay ng mga mangingisda, hinuli sila ng mga tauhan ng Indonesian Navy dahil sa illegal fishing sa karagatang sakop ng Manado Island noong May 5.
Sa loob ng bilangguan ay sinasabing dumanas sila ng pagmamalupit mula sa mga otoridad ng nasabing bansa.
Kanila ring sinabi na maswerte na raw kung makakain sila ng tatlong beses sa loob ng isang araw bukod pa sa hindi maayos na pagkain na inihahain sa kanila.
Nakakita lamang sila ng pag-asang makalalaya pa nang magkaroon sila ng pagkakataon na makausap ang kanilang mga kaanak makalipas ang ilang araw na pagkaka-kulong.
Sa tulong ng Philippine Embassy sa Indonesia ay naisa-ayos ang kanilang mga dokumento para makauwi ng Pilipinas.
Kabilang sa mga nakalayang Pinoy ay sina Nelson Cabanicia, Nestor Sobil, Roberto Serna, Rey Gumera, Richard Robas, Ricardo Macampao, Edgardo Espera, Benito Salaysay, Aquilino Salaysay, Soc Rengel, John Borja at Roland Alinsugay.
Ang mga nakalayang Pinoy ay pawang mga residente sa General Santos City at lalawigan ng Saranggani.