30,000 passport application target iproseso ng DFA kada araw

Bago ang pagtatapos ng taon, umaasa ang Department of Foreign Affairs (DFA) na araw-araw ay makakapagproseso sila ng hanggang 30,000 passport applications.

Sinabi ni Sec. Alan Peter Cayetano na sa ngayon ay hanggang 19,500 aplikasyon ang kanilang napo-proseso sabay dagdag na maaring sa pagsasara ng 2018 ay mas madali na rin ang pag-apply ng pasaporte.

Matapos mabatikos dahil sa ‘backlog’ at kahirapan sa pagkuha ng passport appointment, pinalawig ni Cayetano ang oras ng trabaho sa kanilang consular offices, inalis din nito ang slot allotments sa mga travel agencies.

Dagdag pa ni Cayetano na sa pagtatapos pa rin ng taon ay makakapagbukas sila ng karagdagang walong consular office.

Binanggit din nito na nabawasan na rin ang mga kaso ng hindi pagsipot sa appointment ng aplikante dahil sa kanilang e-payment system.

Kasabay nito, nakiusap pa ang kalihim sa publiko na bigyan pa sila ng panahon para mas mapagbuti nila ang kanilang mga serbisyo.

Una nang inanunsiyo ng DFA na nagbukas na sila ng karagdagang 100,000 passport appointment slots.

Read more...