Nasawi ang isang lalaki matapos manlaban sa mga pulis na nagsasagawa ng buy bust operation sa kahabaan ng CP Garcia Street sa loob ng UP Diliman, Quezon City.
Kinilala lamang ang suspek sa alyas na Joey na kabilang umano sa Ricky Peralta Robbery/Holdup Group.
Nabatid na nagbebenta ng hindi lisensyadong baril ang suspek.
Ayon sa mga otoridad, isang linggo nilang isinailalim sa surveillance ang suspek.
Nagpanggap ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) na bibili ng baril mula kay alyas Joey at kanyang isang kasamahan.
Nang aktong aarestuhin ay agad na bumunot ng baril si alyas Joey ngunit naunahan siya ng mga pulis.
Agad nasawi si alyas Joey habang nakatakas naman ang kanyang kasabwat.
Narekober mula kay alyas Joey ang isang kalibre 45 baril at kalibre 38 revolver.
Bukod sa robbery/holdup ay napag-alamang sangkot din ito sa gun running.