Dead on the spot ang isang drug suspek, habang sugatan naman ang isang pulis matapos magkaputukan sa ikinasang buy bust operation sa Barangay Minuyan Proper sa San Jose del Monte, Bulacan.
Kinilala ang nasawing suspek na si JV Lagrimas.
Ayon kay Police Superintendent Fitz Macariola, patapos na ang transaksyon ng poseur buyer na si PO3 Bernabe Aquino II kay Lagrimas nang ito ay barilin sa tagiliran.
Agad na gumanti ng putok si Aquino at kanyang mga kasamang pulis.
Dahil dito ay nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Lagrimas na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Narekober mula dito ang mga iligal na droga na tinatayang nagkakahalaga ng P15,000, mga drug paraphernalia, digital weighing scale, at isang kalibre 38 baril.
Napagalaman na bukod sa pagiging tulak ng droga ay sangkot rin si Lagrimas sa robbery holdup at carnapping ng mga motor.
Samantala, sa Barangay Lumbac sa Pulilan, Bulacan naman ay nasawi si alyas Dodong matapos manlaban sa mga otoridad.
Ayon kay Pulilan Police chief, Police Superintendent Arwin Tadeo, nang aktong aarestuhin si alyas Dodong ay bumunot ito ng baril at pinaputukan ang mga otoridad.
Gumanti ng putok ang mga pulis na ikinasawi ng suspek.
Ani Tadeo, dalawang linggong isinailalim sa surveillance si Dodong upang makumpirma ang natanggap na impormasyong sangkot ito sa kalakaran ng iligal na droga.
Pinaniniwalaang si alyas Dodong ang nagbabagsak ng droga sa mga bayan ng Pulilan, Plaridel, at Baliuag sa Bulacan.
Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre 38 baril, isang sachet ng shabu, at motorsiklo na aalamin pa ng mga otoridad kung nakaw.