Itinanggi ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na plano niyang maging prime minister ng Pilipinas kapag napalitan na ang porma ng pamahalaan patungong pederalismo.
Ito ay bilang sagot sa mga alegasyon matapos siyang maluklok bilang bagong pinuno ng Kamara noong Lunes.
Bagaman sa ilalim ng isinusulong na pederalismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ay mananatiling pangulo ang mamumuno sa bansa ay posible namang piliin ng Kongreso na isang prime minister ang magiging lider ng Pilipinas na ihahalal sa posisyon ng mga miyembro ng parlamento.
Dagdag pa ni GMA, anumang plano upang ipagpaliban ang eleksyon sa susunod na taon ay hindi niya papayagan sa kanyang pamumuno sa Mababang Kapulungan.
Giit nito, kailangang matuloy ang 2019 midterm elections.
Samantala, inamin ni Arroyo na hindi pa napag-uusapan sa Kongreso ang pagpapalit ng chairmanship sa mga komite.