Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na nananatiling sapat ang supply ng palay bagaman malaking bahagi ng Central Luzon at Pangasinan ang lubhang naapektuhan ng mga pag-uulan at pagbaha nitong nakalipas na linggo.
Sa ngayon ay lubog pa rin sa baha ang Sta. Barbara, Pangasinan; Camiling, Tarlac; at malaking bahagi ng Bulacan at Pampanga.
Sa pagtataya ng DA, umabot s P664.8 milyon ang nalugi sa sektor ng agrikultura sa Central Luzon, habang P834 milyon naman ang sa buong lalawigan ng Pangasinan.
Ngunit ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, hindi nito naapektuhan ang supply ng palay.
Aniya, dumating ang ulan at baha sa vegetative stage pa lamang ng palay kaya naman malaki pa ang tsansa upang makabawi ang mga magsasaka.
Sa ngayon ay inihahanda na ng kagawaran ang mga ayuda para sa mga magsasakang naapektuhan ng pagbabaha.