Muling isasalang sa review ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang ilang mga infrastructure projects sa Mindanao kaugnay sa Bangsamoro Organic Law.
Ipinaliwanag ni Socioeconomic Sec. Ernesto Pernia na kailanganing pag-aralan ang nasabing mga proyekto para matiyak na walang magiging problema kapag naipasa na ang BOL bilang isang ganap na batas.
Sa ilalim ng BOL, sinabi ni Pernia na magkakaroon ng otoridad ang Bangasamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa mga proyekto na nauna nang ikinasa ng national government.
Pero hindi umano ito mangangahulugan na mayroon na silang absolute terms sa nasabing mga proyekto.
Sa ARMM ay mayroong 1,340 projects ang gobyerno kung saan ito ay katumbas ng 17.51 percent ng kabuang 4,490 infra projects para sa buong bansa.
Maglalaan anya ang pamahalaan ng kabuuang P8 Trillion na pondo para sa mga flagship projects sa ilalim ng Build Build Build program na nailatag na hanggang sa taong 2022.
Sa kasalukuyang taon pa lamang ay aabot na sa 76 big-ticket projects ang nasimulan na nagkakahalaga ng P1 Trillion.