SP Tito Sotto may payo sa mga kongresista matapos ang sigawan sa kamara

Binalaan ni Senate President Vicente Sotto III ang mga miyembro ng Kamara de Representante sa pagpapakita ng “unparliamentary acts” habang nagsasagawa ng sesyon o pagdinig.

Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Sotto na dapat sundin ang parliamentary procedures, pagsalitain ang mga nais magsalita at pakinggan ang mga gustong mag-object.

Ginawa ni Sotto ang reaksyon matapos ang sigawan na naganap sa kamara noong Miyerkules ng gabi.

Agad namang nilinaw ng senador na hindi siya nanghihimasok sa proseso ng Mababang Kapulungan.

“Kasi ang namomonitor ko run, hindi naman sa nakikialam ako sa kanila, it’s none of my business actually, kaya lang ang pinag-uusapan dito parliamentary procedures. Pag hindi mo sinusunod ang parliamentary procedures, hindi mo sinusunod ang rules danger kayo later on. Parang naghuhukay kayo ng mga libingan. Kasi may nagsasalita hindi mo pagsasalitain, may nago-object hindi mo pakikinggan yung objection. Hindi parliamentary ‘yan, hindi tamang conduct ‘yan. Pagtagal eh medyo magulo ‘yan,” ani Sotto.

Ang sigawan sa kamara ay naganap matapos kwestyunin ni Ilocos Norte 1st District Rep. Rodolfo Fariñas ang resolusyon na nagluluklok kay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo bilang bagong house speaker.

Ani Fariñas, hindi kasi dumaan ang House Resolution 2025 sa committee on rules.

Read more...