Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni National Capital Region Police Office Director, Gen. Guillermo Eleazar na kung ikukumpara sa datos ng mga naitalang krimen sa huling dalawang taon ng nagdaang administrasyon ay halos kalahati ang ibinaba ng crime rate sa Metro Manila.
“Ito pong first two years ng present administration kung ikukumpara po natin itong crime incident sa last two years ng previous administration, sa Metro Manila 49 percent po ang ibinaba, kalahati po iyon. On the national level I’ve heard from Camp Crame na bumaba po ng 20 percent ang krimen compared sa previous two years, pero sa Metro Manila 49 percent po ito,” ani Eleazar.
Pinakamalaking pagbaba ayon kay Eleazar ay sa mga kaso ng carnapping na nakapagtala ng 76 percent.
Ayon kay Eleazar, noong huling dalawang taon ng past administration, nakapagtala ng 1,432 na carnapping incident sa Metro Manila habang 347 na insidente ng carnapping lang ang naitala sa unang dalawang taon ng Duterte administration.
“25 percent yung crime against person at 58 percent ang crime against properties, yung mga nakawan. Most significant ay yun pong sa carnapping ng 4-wheeled vehicle na bumaba ng 76 percent. Yung dati pong dalawang taon ng past administration, ang incident ng carnap ay 1,432 itong dalawang taon natin ngayon ay 347 lang po bumaba ng mahigit 1,00 kaya po 76 percent ang ibinaba non,” dagdag pa ni Eleazar.