Ang oral arguments ay gagawin sa August 14, 2018, ganap na alas 2:00 ng hapon.
Sa apat na pahinang advisory na pirmado ni Supreme Court En Banc Clerk of Court Atty. Edgar Aricheta, bukod sa procedural issue, kasama sa mga substantial issue na tatalakayin ay ang mga sumusunod na isyu:
• Maituturing ba na valid, binding at may bisa ang pagkalas ng Pilipinas mula sa ICC sa pamamagitan ng Note-Verbale na ipinadala sa secretary general ng United Nations?
• Nakatalima ba ang Pilipinas sa lahat ng mga rekisito sa pagkalas mula sa ICC?
• May kapangyarihan ba ang executive na gawin ang “unilateral” na pagkalas mula sa tratado?
• Sapat at makatwiran ba ang batayan sa pagkalas sa Rome Statute?
• Ang pagkalabas ba sa tratado ay nangangailangan din ng hakbang mula sa Lehislatura?
• Ang desisyon ba ng ehekutibo na kumalas mula sa Rome Statute ay lumabag sa kapangyarihan o prerogative ng lehislatura?
• Ang pagkalas ba sa tratado ay nangangailangan ng pagsang-ayon ng two-thirds ng miyembro ng senado?
• Ang pagkalas ba ng Pilipinas sa Rome Statute ay paglabag sa obligasyon ng Pilipinas sa ilalim ng International Law?
• Ang pagkalas ba ng Pilipinas sa ICC ay magpapahina sa proteksyon ng mga Pilipino sa ilalim ng International Law? Sakali mang ito ang maging sitwasyon, ito ba ay maituturing na justiciable question?
Kapwa naman bibigyan ng 20-minuto para maglahad ng kani-kanilang argumento ang kampo ng petitioner at respondent.
Ang bawat presentasyon ng argumento ay susundan naman ng pagtatanong ng mga mahistrado.
Nag-ugat ang kaso sa inihaing petisyon ng mga opposition senator kabilang sina Senador Franklin Drilon, Bam Aquino, Leila de Lima, Risa Hontiveros at Antonio Trillanes at Philippine Coalition for the International Criminal Court.