Pangulong Duterte biyaheng Israel at Kuwait sa Setyembre at Oktubre

Kinumpirma ng Palasyo ng Malacañan na bibiyaheng Israel si Pangulong Rodrigo Duterte sa Setyembre.

Ayon kay Special Assistant to the President (SAP) Bong Go, hinahanapan na ng eksaktong petsa ang kauna-unahang pagbisita ng pangulo sa naturang Jewish state.

Isa sa mga sadya ng pangulo sa Israel ang paglalatag ng pangmatagalang solusyon sa problema sa iligal na droga.

Mayo ng nakaraang taon naka-schedule ang pangulo sa pagbisita sa Israel subalit hindi natuloy dahil sa naganap na giyera sa Marawi City.

Ayon kay Go, bibisita rin ang pangulo sa Kuwait sa buwan ng Oktubre para personal na magpasalamat kay Kuwaiti Emir Sabah Al-Ahmad Al Jaber Al-Sabah dahil sa pagtugon sa kanyang kahilingan na ayusin ang pagtrato sa mga overseas Filipino workers (OFW).

Pero ayon kay Go, wala pang petsa kung kailan magtutungo ang pangulo sa Kuwait dahil hindi pa matukoy kung kailan magiging available ang emir.

Matatandaang nagkalamat ang relasyon ng Kuwait at Pilipinas nang matagpuan ang bangkay ng isang Pilipina sa freezer.

Read more...