Ilang mga senador hindi komportable sa pagiging house speaker ni GMA

Asiwa ang ilang senador sa pagkaluklok kay Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo bilang bagong House Speaker.

Inamin ni Senate President Tito Sotto na ilang senador ang hindi komportable sa pagpalit ni Arroyo kay dating Speaker Pantaleon Alvarez.

Pero nanindigan si Sotto na patuloy na makikipagtulungan ang Senado sa Kamara sa ilalim ng pamunuan ni Arroyo.

Una nang nagpahayag ng kanilang pagkabahala sina Senators Grace Poe, JV Ejercito at Panfilo Lacson sa pagiging speaker ni Arroyo.

Paliwanag ni Sotto, hindi madaling maghilom ang sugat na nangyari sa nakalipas na mga taon pero hindi naman anya magpo-focus ang senado sa personalidad sa pagtupad ng trabaho nito.

Noong 2001, ang noo’y si Vice President Arroyo ang umupong Pangulo matapos ang pagbagsak ng administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada dahil sa alegasyon ng kurapsyon.

Tinalo naman ni Arroyo ang pumanaw na si Fernando Poe Jr. at si Senador Panfilo Lacson sa 2004 presidential elections.

Read more...