Reklamo ng netizen sa paggamit sa larawan sa SONA sinagot ng Malacañang

Nagpaliwanag na ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa reklamo ng isang netizen na hindi binigyan ng credit ang kanyang litrato na ginamit sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Paliwanag ni PCOO Bureau of Communications Services Director Howard Uyking, nakuha ang larawan sa mindanaotourism.com na pag-aari ni Ronald De Jong bagaman bandang huli ay natuklasang hindi din kanya ang larawan kahit naka-post ito sa kanyang website.

Ayon kay Uyking, ang tunay na may-ari ng kontrobersiyal na larawan ay si Erwin Mascariñas na aniya ay gustong pasalamatan ng ahensiya dahil sa pagkuha nito ng tunay na ganda ng Balanghai Festival na unang na-published sa mindananews.com.

Iginiit ni Uyking na kinontak siya ng isa sa mga kaibigan ni Mascariñas kung saan nakausap na niya ito ay nakapagpaliwanag at aayusin ang isyu.

Hinikayat naman ni Uyking si Mascariñas at mindanews.com na gumawa ng tamang hakbang laban sa mindanaotourism.com na umaangkin sa larawan at pagpayag na sila ang mabigyan ng attribution.

Matatandaang kinuwestiyon ng isang netizen ang paggamit ng naturang larawan sa SONA ng pangulo.

Read more...