Sinasamantala na ng National Food Authority o NFA ang maganda-gandang panahon upang maipamahagi ang mga bigas sa iba’t ibang pamilihan sa bansa, lalo na sa Luzon.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni NFA Spokesperson Rex Estoperez na nasa isang milyong sako ng bigas ang hindi pa naibababa sa barko.
Malaki aniya ang naiwang volume ng mga bigas sa barko dahil sa ilang araw na pag-ulan, dulot ng mga nakalipas na bagyo na pinalakas pa ng Habagat.
At dahil kahit papaano ay humupa na ang sama ng panahon sa kasalukuyan, kinumpirma ni Estoperez na tuluy-tuloy na ang pagbababa ng mga bigas.
Maging ang mga stock sa bodega ng NFA ay patuloy ang operasyon, upang sa lalong madaling panahon ay maipakalat na ang mga NFA rice sa maraming lugar sa Luzon, habang sa Mindanao ay wala naman aniyang problema dahil walang bagyo roon.
Tiniyak naman ni Estoperez na hindi magkakaubusan ng mga bigas, at sa katunayan ay may parating pa sa buwan ng Agosto na magiging buffer stock para sa “lean months.”