5,200 pamilya, apektado ng malawakang sunog sa Jolo

Hindi bababa sa limang libo’t dalawang daang pamilya sa Jolo ang apektado ng siyam na oras na sunog kahapon (July 24).

Nasa dalawang libo’t animnaraang bahay ang natupok ng nagngangalit na apoy, na itinuturing ngayon bilang pinaka-malaking sunog na nangyari sa Jolo, Sulu mula nang naganap ang isang malaking sunog noong 1970’s

Sa imbestigasyon ng mga otoridad, nag-umpisa ang sunog dakong 2:30 hapon ng Martes sa Barangay Walled City at Barangay BusBus sa Jolo. 

Ayon kay FO2 Kristine Bosque ng Bureau of Fire Protection o BFP, nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang apoy dahil sa kakulangan ng mga gamit, bukod pa sa mahirap pasukin ng mga fire truck ang lugar.

Bagama’t tumulong din ang mga residente sa pag-apula sa sunog, hindi ito naging sapat.

Dagdag ni Bosque, lumakas pa ang apoy dahil sa “sea breeze,” lalo’t ang mga bahay ay malapit sa tubig.

Sa panayam naman ng Radyo Inquirer sa ilang lokal na residente, sinadya umano ang sunog dahil ang mga nakatira sa dalawang komunidad ay pawang mga informal settler at pinakiusapan na noon na lisanin na ang mga lugar.

Sa kabila ng mga lumutang na espekulasyon, sinabi ni Brig. Gen. Divino Rey Pabayo, Commander ng Joint Task Force Sulu, na iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog.

 

Read more...