Associate Justice Bersamin, tinanggap na ang nominasyon para sa CJ post


Tinanggap na ni Associate Justice Lucas Bersamin ang otomatikong nominasyon para maging bagong Chief Justice ng Korte Suprema.

Kinumpirma ito ni Justice Secretary Menardo Guevarra, na isa sa mga miyembro ng Judicial and Bar Council o JBC na may mandatong salain ang mga aspirante sa iba’t ibang posisyon sa Hudikatura at Office of the Ombudsman.

Nabatid na si Bersamin ang unang nominee na tumanggap ng nominasyon para sa pagka-Supreme Court Chief Justice na nabakante mula nang mapaalis sa pwesto si Maria Lourdes Sereno.

Nauna nang tinaggihan ni Senior Associate Justice Antonio Carpio ang nominasyon, sa katwirang ayaw niyang makinabang sa nakalipas na pasya ng mayorya ng mga mahistrado na pumabor sa quo warranto laban kay Sereno.

Sa tradisyon, ang limang pinaka senior sa mahistrado sa Mataas na Hukuman ay otomatikong nominated para sa posisyong Chief Justice.

Pero kailangan tanggapin muna ng ang nominasyon, para maging opisyal ang nominasyon o aplikasyon.

Kinumpirma naman ni Guevarra na inaasahang tatanggapin na rin si Associate Justice Diosdado Peralta ang nominasyon.

Itinakda ng JBC ang deadline ng aplikasyon at nominasyon bukas (July 26), habang ang unang deliberasyon ng lupon para sa Chief Justice position sa August 3, 2018.

 

Read more...