Olongapo City, isinailalim sa state of calamity

CREDIT: Edora Darius Jay

Isinailalim na sa state of calamity ang Olongapo City sa Zambales bunsod ng patuloy na pag-ulan sa lugar sa mga nakalipas na araw.

Ayon kay Mayor Rolen Paulino, nalubog sa baha ang 60% ng lungsod. Katumbas nito ang 16 sa 17 barangay ang binaha.

Dahil dito, nanatili sa evacuation centers ang 183 pamilya o 570 indibidwal.

Ayon kay Paulino, napaulat na patay ang isang babae sa lungsod matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanyang bahay sa Barangay Mauban.

Kumilos na ang lokal na pamahalaan ng Olongapo para linisin ang mga kalsada at mga kabahayan na pinasok ng baha.

Samantala, ayon sa PAGASA, patuloy na mararanasan ang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa lungsod dulot ng Habagat.

Read more...