Simula alas-5 ngayong umaga ay nasa pinakamataas na alert status na ang buong pwersa ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Spokesperson Sr. Supt. Benigno Durana, ang paglalagay sa PNP sa full alert status ay bilang paghahanda sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte mamaya.
Anim na libong mga pulis ang ipakakalat sa iba’t ibang bahagi ng lungsod Quezon at iba pang mga lugar partikular sa mga pagkukumpulan ng mga magpoprotesta.
Sa kabila nang masungit at maulang panahon ay nagsimula na ang deployment ng pulisya Linggo pa lamang ng gabi.
Ayon naman kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Guillermo Eleazar, handa na sila na panatilihin ang kapayapaan sa kabila ng inaasahang pagdagsa ng 7,000 hanggang 10,000 mga ralyista.
Dahil sa full alert status ay lahat ng pwersa ng pulisya sa Metro Manila ay inaasahang on-duty sa kanilang mga pwesto at handa ang kanilang mga kagamitan.
Inabisuhan din ang mga pwersa sa labas ng Metro Manila na maging handa sa posibleng mga pag-atake.