Patuloy ang mga pag-ulang dala ng Habagat na hinahatak ng Bagyong Josie.
Bunsod nito, sa 4:00AM advisory ng PAGASA, itinaas ang orange warning level sa Bataan at Southern Zambales.
Mapanganib ang banta ng pagbaha sa mga nabanggit na lalawigan.
Habang yellow warning naman ang nakataas sa Pampanga, Cavite at Batangas.
Posible rin ang pagbaha sa mga mabababang mga lugar sa mga nasabing probinsya ayon sa PAGASA.
Samantala, nakararanas ngayon ng mahihina hanggang sa katamtaman at paminsan-minsan ay malalakas na pag-uulan sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Rizal, Tarlac at nalalabing bahagi ng Zambales na maaaring tumagal ng tatlong oras.
Pinapayuhan ang publiko at disaster risk reduction and management councils na manatiling nakaantabay sa lagay ng panahon at antabayanan ang susunod na advisory ng PAGASA mamayang alas-7 ng umaga.