Mayorya ng mga Filipino ang nagsabing dapat maibalik sa Pilipinas ang kontrol sa mga islang inookupa ng China sa West Philippine Sea ayon sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas Biyernes ng gabi.
Sa survey na isinagawa noong June 27-30, 87 percent ang nagsabi na mahalagang maibalik sa bansa ang pagkontrol sa pinag-aagawang mga isla.
Sixty-nine percent ang nagsabing ‘very important’ o lubha itong mahalaga habang 18 percent ang nagsabing ‘somewhat important’ o medyo mahalaga.
Tig-isang porsyento lang ang nagsabing ‘not at all important’ at ‘somewhat not important’.
Naniniwala rin ang 69 percent ng mga Filipino na takot ang China na humarap sa kahit anong korte dahil alam nilang wala sila sa katarungan.
Sinabi rin ng 65 percent ng mga Filipino na may alam sila sa isyu ng pang-aabuso ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Filipino partikular sa pagkuha sa kanilang mga nahuling isda.
Sa kabila nito, naniniwala naman ang 43 percent ng mga Filipino na hindi pagtatraydor sa bayan ang hindi pagtatanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga isla.
Twenty-nine percent ang nagsabing ito ay pagtatraydor habang 28 percent naman ang nagsabing hindi nila alam.