Ayon kay Department of Transportation and Communication (DOTC) Sec. Jun Abaya, ang bagong rules ay ipatutupad simula sa susunod na buwan.
Kabilang sa mga pagbabago ay ang pagtataas ng minimum age requirement ng mga nais kumuha ng student permit at non-professional driver’s license.
Mula sa dating 16 years old, ay gagawin nang 17 years old ang minimum edad ng puwedeng mag-apply para makakuha ng student permit. Mula naman sa dating 17 years old ay gagawing 18 years old ang minimum na edad para sa mga nais mag-apply ng non-pro license.
Ayon kay Abaya, layunin ng pagrebisa sa ilan nilang rules ang matiyak ang fitness at capability ng mga license card holders na magmaneho at para mas mapadali ang application process.
Kasama rin sa mga pagbabago ang hindi na pagsasagawa ng lectures at seminars ng LTO sa mga aplikante ng lisensya bago sila magsagawa ng written at practical examinations. Sa halip, magpapalabas na lamang ng reviewers ang LTO para makatulong sa mga kukuha ng exams.
Ang mga babagsak sa basic driving theory at practical driving tests ng dalawang beses ay hindi papayagang muling makapag-apply sa loob ng isang taon. Habang kapag tatlong beses na bumagsak ay hindi papayagan na mag-apply ng lisensya sa loob ng dalawang taon.
Ang mga aplikante para sa professional drivers’ license ay hindi na papayagang maisyuhan ng lisensya kung sila ay dalawang beses o higit pa na nagkaroon ng paglabag dahil sa reckless driving.
Ang pagbabago sa rules ng LTO ay aplikable sa lahat ng uri ng lisensya na kinabibilangan ng professional, non-professional, student permit, at conductor’s license.