Plano ng Commission on Elections (Comelec) na idaos ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Marawi sa darating na Setyembre.
Sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na mayroong mungkahi sa Comelec en banc na idaos ang halalan ngunit hindi pa ito naaaprubahan sa ngayon.
Ayon sa opisyal, sumailalim na sa ebalwasyon ang lugar at pawang nasa stable condition na ito.
Giit pa niya, sakaling mapagtanto na posible na ang malaya at patas na halalan ay isasagawa na ang Barangay at SK elections.
“Kasi na-evaluate na ang situation and mukhang stable na ang area. As soon as it becomes possible to conduct free and fair elections ‘yun ang basehan natin,” ani Jimenez.
Magsasagawa rin anya ng malawakang information campaign sa Agosto para sa mga residente tungkol sa pagsasagawa ng halalan sakaling maaprubahan na ang proposal sa en banc.
Batay sa datos ng Comelec, mayroong 675,730 na botante sa lalawigan ng Lanao del Sur.
Sa bilang na ito, 448,044 ang barangay voters habang nasa 227,686 ang youth voters.