Limampu’t isang overseas Filipino workers (OFWs) mula sa United Arab Emirates (UAE) ang napauwi ng bansa ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sinagot ng kagawaran ang pagpapauwi sa bansa ng mga nagipit na OFWs.
Ayon kay Philippine Embassy Charge d’Affaires Rowena Pangilinan-Daquipil ang mga Pinay workers na ito ay pawang nagsipunta sa UAE bilang mga turista at nagtrabaho.
Gayunman, tumakas ito sa kanilang mga sponsors at ahensya dahil sa mga naranasang pang-aabuso at hindi pagbabayad sa mga ito ng kanilang sweldo.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, magpapatuloy ang pagtulong ng kagawaran sa mga Filipino abroad at maihatid ang mga ito sa kanilang mga mahal sa buhay dito sa bansa.
Malinaw anya ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DFA na ipaglaban ang karapatan ng bawat Filipino saanmang sulok ng mundo.
Matapos ang pag-uwi ng 51 na distressed OFWs, aabot na sa 702 ang napauwi mula Abu Dhabi simula noong Enero.
Tiniyak naman ni Daquipil na nakikipagtulungan ang embahada sa mga lokal na awtoridad upang tugunan ang mga hinaing ng OFWs partikular na ang household service workers sa UAE.