2 patay sa magkahiwalay na pamamaril sa Caloocan City

Dead on the spot ang isang babae at isang lalaki sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Bagong Barrio, Caloocan City.

Unang nasawi sa Barangay 132 si Jenny Tamorada, 27 taong gulang.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad na napadaan lamang si Tamorada sa naturang barangay nang habang naglalakad ay biglang sumulpot ang dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklo.

Walang pag-aatubili ay pinangbabaril ng angkas ng motor si Tamorada na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Sa ngayon ay blangko pa ang mga otoridad, maging ang pamilya ng biktima sa motibo sa pamamaril.

Ngunit nabatid na noong 2017 ay nasawi rin sa pamamaril ang asawa ng biktima.

Samantala, sa Bagong Barrio, Caloocan City pa rin ay pinagbabaril naman si Alvin Teng sa Barangay 149.

Nakita sa CCTV sa lugar na sakay si Teng ng isang motorsiklo at nakipagkita sa dalawang lalaking sakay rin ng isa pang motor.

Mapapanood sa CCTV na nag-abutan pa ng hindi batid na bagay ang mga lalaki at si Teng, at pagkatapos nito ay agad na pinagbabaril ng mga suspek ang bitkima.

Kinuha muna ng angkas ang motor ng biktima at ginamit ito upang makatakas.

Ayon sa mga pulis, posibleng kakilala ni Teng ang mga salarin.

Sa ngayon ay patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang motibo sa krimen at isa sa kanilang inaalam ang rason kung bakit nasa lugar si Teng sa dis oras ng gabi, ngayong hindi naman ito residente ng barangay.

Read more...